Tayo'y taga-Luson, sila ay Bisaya
At kayo nama'y sa Mindanaw mula;
Iisa ang ating sinilangang bansa,
Sa iisang lahi, tayo ay nagmula.
Ipinagkaloob sa atin ng "Ama"
Ay mga wikain na magkakaiba,
Kung kaya nga tayo noong dakong una
Sa isip at puso'y hindi magkaisa.
Pa'nong di gayon? Dito sa 'ting bayan
Mga katutubo'y magkakahiwalay
Dahilan sa ating mga karagatan
At mataas nating mga kabundukan.
Ang tumulong sa 'tin sa problemang ito
Ay Pangulong Quezon na dakilang tao;
Siya ang nagsikap na magkaro'n tayo
Ng Wikang Pambansa, wikang Pilipino.
Pasalamat tayo sa Pangulong mahal
Dahil sa ang wika'y kanyang itinanghal;
Tunay na umunlad bayan nating mahal
Sa tulong ng wika, Pilipinong hirang.