May isang maghahasik na nagsabog ng binhi. Habang isinasabog niya ang mga butil sa bukid, hindi niya napansin ang pagbagsak ng mga butil sa iba't ibang lugar.
Marami ang nasabog sa tabi ng daan at nayapakan. Dumating ang mga ibon at ito ay kinaing lahat.
Ang iba ay nasabog sa batuhan na kakaunti ang lupa. Ang mga buto'y madaling tumubo. Ngunit sila'y walang sapat na lupang tutubuan, kaya nang sumikat ang araw ay nangalanta rin. At sapagkat walang ugat, sila'y nangamatay.
Ang iba ay nasabog sa gitna ng mga tinik at tumubong kasama ng mga tinik. Nasikipan ang mga ito at hindi namunga.
Ang iba ay nasabog sa matabang lupa. May daloy ng tubig dito kaya't tumubo at namunga ang mga binhi; may tatlumpo, may animnapu, at may isandaang beses na kasindami ng isinabog na binhi.