Isang lalaki ang paalis upang maglakbay. Tinawag niya ang kanyang tatlong alagad. Binigyan niya ng pera ang bawat isa ayon sa kanilang kakayahan. Ang una ay binigyan niya ng limang libong piseta, ang ikalawa ay dalawang libo, at ang ikatlo ay isang libo. Pagkatapos ay umalis na ang lalaki upang maglakbay.
Samantala, ang alagad na binigyan niya ng limang libo ay agad na ginamit na puhunan ang pera at kumita siya ng limang libo. Gayundin ang ginawa ng ikalawa at kumita rin siya ng dalawang libo. Ngunit ang ikatlo ay naghukay sa lupa at dito itinago ang perang iniwan sa kanya.
Pagkaraan ng mahabang panahon ay nagbalik ang lalaki. Tinawag nito ang tatlong alagad upang magsulit. Unang lumapit ang alagad na may limang libo.
"Panginoon, binigyan mo ako ng limang libo at heto, limang libo rin ang kinita ko," wika nito.
"Magaling! Isa kang mahusay na alagad," sabi ng lalaki. "Napagkatiwalaan kita ng maliit na halaga kaya ipagkakatiwala ko sa iyo ang higit na malaking halaga. Halika at makihati sa aking kaligayahan."
Lumapit naman ang ikalawang alagad at nagwika, "Panginoon, binigyan mo ako ng dalawang libo. Tingnan n'yo at kumita rin ako ng dalawang libo."
Sumagot ang lalaki, "Magaling! Isa kang mahusay at mapagkakatiwalaang alagad. Napagkatiwalaan kita ng maliit na halaga kaya ipagkakatiwala ko rin sa iyo ang higit na malaking halaga. Halika at makihati sa aking kaligayahan."
Huling lumapit ang alagad na may isang libo at nagwika, "Panginoon, ako ay natakot kaya itinago ko ang inyong pera sa ilalim ng lupa. Heto ang inyong pera."
Nagalit ang lalaki sa kanyang alagad at sinabing, "Tamad na alagad! Sana ay idiniposito mo man lamang ang aking pera sa bangko upang kahit papaano ay kumita ito ng interes na makukuha ko sa aking pagbabalik. Kunin ang pera sa kanya at ibigay sa may sampung libo. Dahil ang taong mayroon na ay higit na bibigyan at magkakaroon siya ng labis. Ngunit iyong wala, kahit ang kaunting nasa kanya na ay kukunin pa sa kanya. At sa walang silbing alagad na ito, itapon siya sa kadiliman."