Matagal na naming pinangarap na makapag-ambag ng isang bagay na makapagbibigay dangal sa mga piling katauhang dapat na hangaan ng ating mga kababayan. Ito na yon. Isang munting website na kinapapalooban ng mga piling-piling talambuhay ng apatnapung kagalang-galang na mga babae at lalaking kung tawagin ay mga bayani.
Sino nga ba ang matatawag na bayani? Bayani ang sinumang nagbingit o kaya ay nag-alay ng buhay alang-alang sa ikalalaya ng bayan.
Hindi madali ang magbingit o mag-alay ng buhay sa ngalan ng kalayaan. Kalakip ng mga ito ang kahandaang isakripisyo ang magagandang karanasang maaari pa nating harapin sa kinabukasan.
Nakatutuwang may mga piling historyador na ring nagsaliksik at sumulat ng mga talambuhay ng mga bayaning Pilipino. Ilan dito sina Teodoro Agoncillo ng Unibersidad ng Pilipinas, Gregorio Zaide ng Far Eastern University at Eufronio Alip ng Unibersidad ng Santo Tomas.
Sa munting website na ito, minarapat naming pagsama-samahin ang apatnapung bayaning nag-aklas sa mga mandirigmang Espanyol, Hapones at Amerikano. Sinikap naming maging obhektibo sa aming presentasyon ng mga data upang maunawaang mabuti ng mga mambabasa ang mapanganib na mga landas na dinaanan ng mga bayaning itinatampok dito.
Sa pagtataglay ng sariwang pananaw sa histograpiya, ang mananaliksik ay nag-alay ng sapat na panahon upang mabigyan ng isang makasaysayang website ang mga kabataang Pilipino.