Kung ang kahuli-hulihang hininga ay iaalay mo sa bayan, masasabing itinindig mo ang iyong kabayanihan. Ganyan ang ginawa ni Candido Tirona kaya pinahahalagahan siya ng mga mamamayan.
Si Candido ay ipinanganak noong Agosto 29, 1862 sa Kawit, Cavite. Ama niya si Estanislao Tirona at ina niya si Juana Mata.
Habang nag-aaral sa Maynila ay namatay ang ama ni Candido. Kinakailangang huminto siya sa pag-aaral upang mamahala sa malawak na taniman at palaisdaan.
Ang tawag ng pakikidigma ay dumating kay Candido nang itatag ang Katipunan. Nakilala siya bilang kasapi ng Grupo Magdalo na pinamumunuan ni Heneral Emilio Aguinaldo. Malapit siya sa Heneral sapagkat nang manungkulan ito bilang Capitan Municipal ng Kawit ay naging konsehal naman si Candido.
Nang mabunyag sa mga Kastila ang Katipunan ay idineklara ni Gobernador Heneral Ramon Blanco ang martial law sa mga lalawigan. Kasama rito ang Cavite. Ang pagpunta ng maraming tropang Kastila sa Maynila ay sinamantala nina Candido upang patanggalan ng armas ang mga Guardia Civil na natira sa Tribunal.
Nang maghalalan sa Kawit ay nanalo si Candido bilang pangulo. Ang dating presidente na si Heneral Aguinaldo ay kinailangang manungkulan bilang Komandante ng labanan.
Sa tapang na ipinakita sa pakikitunggali sa Imus at Talisay ay tinanghal siyang Kalihim Pandigmaan. Sa kanyang balikat naatang ang pagbibigay ng mga pagkain, bala at armas sa mga Katipunerong lumalaban.
Nang minsang umiikot sa bayan-bayan si Candido ay nakarating sa kaniya ang mensaheng sasalakay sa Binakayan ang mga Kastila. Mabilis na nagtulung-tulong sila nina Heneral Emilio Aguinaldo at Heneral Pio del Pilar upang magtayo ng mga trenches upang mahadlangan ang pagsalakay ng mga kaaway.
Noong umaga ng Nobyembre 10, 1896 ay sumalakay nga ang mga Kastila. Ipinagtanggol ni Candido ang kaliwang bahagi ng Binakayan. Hawak ni Heneral Aguinaldo ang sentro at ang kanang bahagi ay suportado ni Hen. Pio del Pilar.
Pinagbabaril ng mga Kastila ang mga Katipunero. Hindi natinag ang mga Pilipino. Sa tuwing tinatamaan ay lalo silang tumatapang. Sa tindi ng labanan ay pinaalalahanan ni Heneral Aguinaldo si Candido na mag-ingat sa pakikipaglaban. Ang paalala ay ibinalik niya sa puno nang magpaalala rin itong, "Mag-ingat din kayo, Heneral."
Kahit magkakalayu-layo ang pinamumunuang sundalo ng tatlong pinunong Pilipino ay pinag-ibayo nila ang mga estratehiya nila sa pakikidigma. Nang mahawi ng usok ang labanan ay doon lang napag-alamang kung may limampung Pilipinong nangamatay ay daan-daang Kastila naman ang binawian ng buhay sa kahindik-hindik na tunggalian. Bagama't nagsasaya ang mga rebolusyonaryong Pilipino sa pagwawagi ay nalulungkot naman ang lahat na kasama pala sa mga naitumbang Katipunero si Candido.
Kahit mayaman ang angkang kinabibilangan, inialay pa rin ni Candido Tirona ang buhay alang-alang sa ikalalaya ng sambayanan.
Isang tunay na rebolusyonaryo ang Cavitenong ito.