Disinuwebe anyos lamang si Emilio Jacinto, kinikilalang Utak ng Katipunan, nang maging rebolusyonaryo.
Ipinanganak siya sa Trozo, Maynila noong Disyembre 15, 1875. Isang tagatala ang ama niyang si Mariano Jacinto at masipag na maybahay naman ang ina niyang si Josefa Dizon.
May angking talino si Emilio kaya kahit sapat lamang ang naiipong pera ng mga magulang ay sinikap siyang pag-aralin. Sa pribadong eskwelahan ni Maestro Pascual Ferrer unang nag-aral si Emilio. Tinapos niya sa Letran ang kaniyang kursong batsilyer. Ang abugasya ay kinuha naman niya sa UST.
Nang sumapi si Emilio sa Katipunan noong 1894 ay tinanggap niya ang bansag na pangalang "Pingkian."
Kahit isa sa pinakabatang miyembro ng KKK, ang katalinuhan ni Emilio ang pasaporte niya upang igalang ng lahat. Humawak siya sa KKK ng iba't ibang posisyon: bilang kalihim, piskal at editor. Tinitingala si Emilio bilang Editor ng pahayagan ng Katipunan na kilala sa tawag na "Kalayaan." Bilang manunulat-pulitikal, siya ang awtor ng pamasong Liwanag at Dilim at ng tulang A La Patria.
Si Emilio ang utak sa unang paglusob ng mga katipunero sa garisong Espanyol sa San Juan del Monte noong Agosto 30, 1896.
Tampok sa mga gawain ni Emilio bilang rebolusyonaryo ang pangangalap ng baril, bala, papel at tinta. Siya rin ang namamahala sa pangingilak ng salaping ginagastos sa pakikidigma.
Minsang nakipagbarilan si Emilio sa mga manunudlang Kastila sa Laguna ay tinamaan siya sa hita at dinala sa Simbahan ng Sta. Cruz. Matapos gamutin at imbestigahan ng mga Kastila ay ipinakita niya ang isang pasaporte ng isang espiyang puti na nagngangalang Florentino Reyes. Ang nasabing pasaporte ay pag-aari ng espiyang nadakip ni Emilio sa sagupaan sa Pasig.
Sa pagpapanggap ni Emilio, naisalba niya ang buhay sa oras ng kagipitan.
Nang pamunuan ni Emilio ang mga rebolusyonaryo sa Majayjay, Laguna ay dinapuan siya ng malaria. Ito ang naging dahilan ng kaniyang kamatayan. Sa maraming sundalong pinamunuan ni Emilio, kinilala ang kaniyang talino, tapang at dangal.
Isang tunay na bayani si Emilio Jacinto na lalong kilala sa tawag na "Pingkian ng Katipunan" at "Dimas-ilaw ng Literaturang Pandigmaan."