Pinakabatang heneral ng rebolusyon si Flaviano Yengko.
Siya ay isa sa pitong anak nina Basilio Yengko at Maria Abad. Ipinanganak si Flaviano sa Tondo, Maynila noong Disyembre 22, 1874.
Kahit na mahirap ay sinikap nina Ginoo at Ginang Yengko na pag-aralin si Flaviano. Sining at pagtuturo ang mga kursong kinuha niya. Tinapos niya ang Bachiller del Artes sa Colegio de San Juan de Letran at naging kwalipikadong maestro de ascenzo siya sa Escuela Normal. Sinikap niyang mapalawak pa ang kaniyang kaalaman kaya kumuha rin siya ng Latinidad kina Senor Enrique Mendiola at Senor Benedicto Luna.
Matulungin sa kapwa si Flaviano. Minsang may kaeswelang may utang na walong piso sa kolehiyo ay inalo niya ito sa pagsasabing, "Heto, maisasanla natin ang gintong relo ko at gintong galang mo sa halagang sampung piso."
Ang pagkahilig sa arte ay parte na ng katauhan ni Flaviano. Ang isa sa mga pintura niya na pinamagatang Landscape ay ginantimpalaan sa Panrehiyong Eksposisyon sa Pilipinas na ginanap sa Maynila noong 1895. Tulad ng kaniyang ina, siya ay mahusay na piyanista at magaling ding kumanta.
Sa kakisigan, maraming dalaga ang humahanga sa kaniya. Pero ang kakisigang ito ay inayawan ng ama ng isang Cavitenong nililigawan niya.
Para kay Flaviano ang kakisigan at kabayanihan ay maaaring magkasama sa katauhan.
Sa nakitang kaalipinan ng mga kababayan, ang personal na layuning makapag-ambag ng tapang sa rebolusyon ay nagtulak kay Flaviano upang lumahok sa laban. Nagprisinta siya kay Heneral Emilio Aguinaldo upang maging sundalo. Una niyang naging misyon ang paghakot ng mga pulburang pangdigmaan na ipinupuslit sa Cavite mula sa Maynila. Hindi madaling gawain ang nasabing misyon. Ngunit ginawa ito ni Flaviano na may tiwala sa rebolusyong ipinakikipaglaban.
Naipakita ni Flaviano ang ibayong tapang nang mapasabak siya sa Laban-Binakayan. Pinatunayan niyang makisig din pala siya di lang sa panlabas na kaanyuan kundi lalo na sa katapangan. Sa gilas sa pakikipaglaban na nakita ng lahat, bigla siyang ginawang kapitan ng Punong Heneral. Sa marami niyang matagumpay na pakikipaglaban, naging koronel na siya ilang buwan lang ang nakaraan.
Alam na alam ni Heneral Cornelio de Polavieja na sentro ng Digmaang Espanya-Pilipinas ang Cavite kaya maraming sundalong Kastila ang ipinadala sa Labanang Zapote noong Pebrero 17, 1897. Ang mga sundalong Pilipino sa pamumuno ni Flaviano ay magiting na nakipaglaban sa nabanggit na tunggalian. Kung marami nang bumagsak sa tropang Pilipino, marami ring di hamak ang napatay sa mga sundalong Kastila. Sa dahilang kakaunti ang mga Pilipinong mandirigma, minabuti ni Flavianong paurungin ang mga kabig sa Dasmarinas. Ang sistematikong pamumuno ni Flaviano ay napansin ni Presidente Aguinaldo kaya ginawa kaagad itong Heneral.
Sinamang palad na nabaril sa sikmura si Flaviano sa Labanang Salitran noong umaga ng Marso 1, 1897. Naramdaman ni Flavianong masama ang tama niya kaya ibinulong niya sa katabing sundalong ipagpaalam na lamang at ihalik daw siya sa maiiwang ina. Huwag na huwag daw itong papuntahin sa labanan upang ang bangkay niya ay hanapin at sabihin daw ditong lagi siyang naaalala ng matapang na anak sa pakikidigma.
Nang buhatin ang sugatang katawan ni Flaviano ng lungkut na lungkot na mga tauhan niya ay nakuha pa rin niyang sumigaw ng, "Sugod sa labanan! Sugod!" kahit hirap na hirap na sa nalalapit na kamatayan. Ito ay kaniyang nasambit upang ipagpatuloy ng lahat ang giting sa paglaban.
Sa isang pagamutang militar sa Imus dinala ang makisig at pinakabatang heneral ng rebolusyon. Dito siya namatay noong Marso 3, 1897.
Totoo nga palang maaaring magkasama ang katapangan at kakisigan sa isang bayaning Pilipinong tulad ni Flaviano Yengko.