Dati-rati tahanan lamang ang maaaring galawan ng kababaihan. Isang babaeng namuno sa digmaan ang lumabas sa nabanggit na kalakaran. Siya si Gabriela Silang.
Ipinanganak si Maria Josefa Gabriela Silang sa Santa, Ilocos Sur noong Marso 19, 1731. Ang ama niya na isang magsasaka ay taga-Ilocos Sur at ang ina niya na isang maybahay ay taga-Abra.
Sa di malamang kadahilanan, napawalay sa mga magulang si Gabriela bata pa lamang. Inampon at pinalaki siya ni Padre Tomas Milan.
Beinte anyos si Gabriela nang sapilitang ipakasal sa isang mayaman subalit matanda nang manliligaw. Nang mamatay ang asawa ay naiwan kay Gabriela ang malaking kayamanan.
Dumating sa buhay ng balo ang isang makisig, mabait at makabayang binata sa katauhan ni Diego Silang. Limang taon ding nanligaw ang binata bago napasagot si Gabriela.
Noon ay may malaki nang problemang panlipunan ang mga Ilocano. Pwersahan silang pinagtatrabaho at sinisingil ng pagkatataas na buwis ng mga mananakop na Espanyol. Sapagkat taglay ni Diego Silang ang lahat ng katangian ng isang lider, siya ang naging puno ng mga pag-aalsa laban sa mga mananakop. Sa lahat ng labanang pinamunuan, kasa-kasama ni Diego si Gabriela sa pagtatanggol sa kalayaan.
Nang ipapatay ng mga Kastila si Diego ay naiwang lungkut na lungkot si Gabriela. Pilay ang liderato ng mga Ilocano na nawalan ng isang matapang na pinuno. Si Gabriela, kasama ang mga kabig ay nagtatakbo sa Abra. Pamuling nakuha ng mga Espanyol ang Vigan.
Kahit wala na ang asawa, hindi naduwag si Gabriela. Inisip niyang malaking responsibilidad ang pinasimulan nilang pag-aalsa. Kung tatalikod siya ay lalong malilibing sa kamatayan ang mga sundalo niya. Nagdesisyon s Gabriela. Itinuloy niya ang labang naiwan ng asawa. Si Gabriela na isang babae ang sumakay sa kabayong pandigma ni Diego. Pinalakpakan siya ng lahat sa pagiging tunay na Henerala ng labanan, nagpapakagiting sa digmaan.
Upang maparami pa ang mga sundalo niya, nanawagan si Gabriela sa mga kababayang naninirahan sa bulubundukin ng Abra. Sa dahilang mapagkakatiwalaan siyang henerala, lahat ay lumabang kahilera niya. Kung naitindig ng asawa niya ang kalayaan sa Vigan, itinayo ni Gabriela ang kalayaan sa Abra na bayan ng kaniyang ina.
Sa pagnanais na muling makuha ang Vigan, pinamunuan ni Gabriela ang pagsalakay sa mga Kastila noong Setyembre 10, 1763. Sa kasamaang palad, ang 2000 kawal niya ay hinarap ng 6000 Kastila. Matapos makipagsagupaan, nagdesisyon si Gabrielang paatrasin ang humigit kumulang sa walumpung natirang kababayan. Bagama't talunan, hangang-hanga pa rin sa katapangan ng henerala ang bawat Espanyol na dinigma niya.
Nakatakbo sa mga kasukalan ng Abra hanggang sa lalawigang bulubundukin si Gabriela. Ngunit natunton pa rin siya ng mga Espanyol sa pamumuno ni Don Manuel de Arza.
Isa-isang binitay ang mga sundalong Pilipino sa tabing dagat mula bayan ng Candon hanggang Bantay.
Bilang taluktok ng tagumpay ng mga Kastila, ipinamalita sa lahat na publikong isasagawa ang pagbitay sa henerala. Kalmadong hinarap ni Gabriela Silang ang kamatayan noong Setyembre 20, 1763.
Iyan si Maria Josefa Gabriela Silang, maipagkakapuring Pilipina na nag-alay ng buhay sa ikadadakila ng bansang kaniyang sinilangan.