Kinilala bilang Paraluman ng Katipunan, si Gregoria de Jesus ay may mahalagang papel na ginampanan sa rebolusyong Pilipino.
Si Gregoria o Oriang ay ipinanganak sa Caloocan noong Mayo 9, 1875. Isa siya sa apat na anak nina Nicolas de Jesus, isang gobernadorcillo o alcalde municipal at Baltazara Alvarez Francisco, pamangkin ni Heneral Mariano Alvarez.
Kahit nagtapos ng kursong Maestra Elemental at isa sa mga nanguna sa pagsusulit na bigay ng Gobernador Heneral, napilitang huminto si Oriang upang bigyang daan ang mga kapatid na lalaking nagsisipag-aral. Si Oriang ang naging katulong ng kapatid na babae sa pag-aani sa malawak nilang palayan.
Kung wala sa bukid ay makikita mo si Gregoriang nananahi, nagbuburda o tumutulong sa mga gawaing bahay ng nanay niya. Sapagkat totoong napakaganda at mula sa isang "beuna familia" maraming kabinataan ang nanliligaw kay Gregoria. Isa sa pinakamasugid si Andres Bonifacio, ang Supremo ng Katipunan.
Labingwalong taon lamang si Oriang nang ayaing pakasal ng Supremo. Ang ritwal ay ginanap sa Simbahan ng Binondo. Makalipas ang isang linggo ay muling ikinasal ang dalawa sa selebrasyong Katipunan kung saan binansagan si Oriang sa katawagang Lakambini. Isa si Gregoria sa mga unang kababaihang naging kasapi ng Katipunan.
Bilang asawa ng Supremo, si Gregoria ang naging tagapagtago ng mga lihim na dokumentong panrebolusyon. Kung gaano kaaktibo ang Supremo, gayun din naman si Oriang na buong puso at kaluluwang nagpahalaga sa makabayang ipinakikipaglaban ng Katipunan.
Sa bahay na tinirhan nila sa Calle Anyahan, laging nababagabag si Oriang kapag nababalitaang mag-iimbestiga na ang mga Espanyol. Sapagkat laging wala sa bahay ang Supremo, kaya matapang na nagdedesisyon si Oriang na likumin ang mga kasulatan at mga armas. Ang mga ito ay agad-agad niyang inilululan sa sasakyang siya mismo ang nagpapaandar. Nagpapaikut-ikot siya sa mga tabi ng ilug-ilugan ng Tondo upang iligaw ang mga kaaway. Ang bilis ng galaw ni Oriang ay naglalayo sa mga Katipunero sa bingit ng kamatayan.
Malungkot isiping ang kaisa-isang anak ni Oriang sa Supremo ay namatay sa sakit na bulutong.
Nang madiskubre ng mga kaaway ang Katipunan ay naging mistulang mandirigma rin si Gregoria. Natuto siyang sumakay sa kabayo at bumaril. Natuto rin siyang mauhaw at magutom, matulog sa kapatagan at kabundukan. Bilang gerera, nasanay din siyang naiiwan ng asawa sa mga mapanganib na lugar.
Ang mapait na kasaysayang yumakap kay Andres Bonifacio bilang biktima ng pulitika ay malinaw na malinaw na nagbabalik sa hapong isipan ni Gregoria de Jesus. Nasaksihan niya nang magkaroon ng tunggaliang pulitikal ang mga grupong Magdalo at Magdiwang sa Barrio Tenejeros at Francisco de Malabon. Kitang-kita rin niya nang dakpin ang Supremo kasama ang kapatid nito at dalhin sa Maragondon upang humarap sa malagim na paglilitis. Damang-dama rin niya nang ibaba ang sintensiya sa mahal niyang asawa na pinaratangan sa salang sedisyon o pag-aalsa sa pamahalaan.
Matapos patayin ng mga kapwa Pilipino si Andres Bonifacio, ay malungkot na namundok ang Lakambini ng Katipunan kasama ng mga kapwa rebolusyonaryo. Sapagkat maganda, mabait at kagalang-galang, ang Lakambini ay pinagtuunan ng pagmamahal ng dating kalihim ng Supremo na si Julio Nakpil. Si Julio na namuno sa mga labanan sa Montalban at sa San Mateo ay lihim din palang hinahangaan ni Oriang sa pagiging matapang at maginoo nito. Nang magtapat ng pag-ibig si Julio ay di kaagad ito sinagot ng Lakambini. Bilang respeto kay Andres Bonifacio, hinintay muna nito na makapagbabangluksa bago pormal na magpakasal sa ikalawang pag-ibig. Eksaktong Disyembre 1, 1898 nang idaos ang kasal nina Gregoria de Jesus at Julio Nakpil. Ito ay ginanap sa Simbahan ng Quiapo. Biniyayaan ng anim na anak ang mag-asawa. Kabilang dito sina Juan, Julia, Francisco, Josephine, Mercedes at Caridad.
Sakit sa puso ang ikinamatay ni Oriang noong Marso 15, 1943. Si Gregoria de Jesus na Lakambining iginagalang ang sulong maningning na tumanglaw sa panahon ng pakikidigma ng Katipunan.