Sa paggamit ni Isabelo de los Reyes ng talino upang ipagtanggol ang Pilipinas laban sa mga awtoridad na Kastila at Amerikano ay naging tinig siya ng bayan laban sa kawalang katarungan ng mga dayuhan.
Si Isabelo ay isinilang noong Hulyo 7, 1864 sa Vigan, Ilocos Sur. Ama niya si Elias de los Reyes at ina naman niya si Leona Florentino.
Lumaki siya sa pangangalaga ng mayaman nilang kamag-anak na si Don Mena Crisologo.
Una siyang nag-aral sa Vigan Seminary. Namasukan siya upang pag-aralin ang sarili sa Letran kung saan tinapos niya ang Bachelor of Arts na may pinakamataas na markang sobresaliente. Tinapos niya ang abugasya sa Unibersidad ng Santo Tomas sa gulang na 22. Sapagkat batang-bata pa, hindi siya pinayagang manilbihan bilang abugado kaya pamamahayag ang hinarap niya.
Siya ay nagpalimbag ng mga aklat na Historia de Ilocos, Folklore Filipino at Las Islas Visayas en la epoca de la Conquista. Bilang propagandista, sumulat siya sa Diario Manila at sa EI Ilocano. Ang mga artikulo niya ay tumatalakay sa maling pamamalakad ng mga Kastila sa Pilipinas. Matapang niyang kinomentuhan ang mga manunulat na Kastila na pawang kabutihan ng simbahan at pamahalaan ang isinusulat sa mga pahayagan.
Sa mga matatapang na artikulo ni Isabelo ay inakusahan siyang kaaway at kasangkot sa rebolusyon. Ang mga bintang ang nagdala sa kaniya sa Bilibid Prison noong Pebrero 13, 1897.
Ang paghihirap ng kalooban ay nadagdagan nang mamatay ang kaniyang maybahay. Tinibayan ni Isabelo ang sarili at hinarap nang buong tapang ang malungkot na kapalaran. Sa loob ng piitan ay hindi natalian ang panulat ng mamamahayag. Sinulat niya doon ang Sensecional Memoria Sobre La Revolucion Filipina na layon niyang ipabasa sa Gobernador Heneral. Ang sanaysay na nagbibigay diin na mga prayleng Espanyol ang nagtanim ng mga punla ng pag-aalsa laban sa pamahalaan ng Pilipinas. Nagising ang mga awtoridad. Naging dahilan ito upang ipatapon si Isabelo sa Espanya at ipakulong sa Barcelona. Nang lagdaan ang Pact of Biak na Bato noong Disyembre 1897 ay pinalaya ang mamamahayag. Hindi nabalewala ng mga Kastila ang talino ni Isabelo kaya binigyan siya ng posisyon bilang Consejero del Ministerio de Ultramar. Ang paglilingkod niya sa mga dayuhan ay nangangahulugang ipinagbili ng mamamahayag ang kaluluwa niya bilang Pilipino. Noong 1899 ay muli niyang ipinalimbag ang kaniyang La Sencesional Memoria sa Madrid.
Sa pagpapahalaga niya sa mga Pilipinong pari, tinanggap niya ang pakiusap ng Filipino Ecclesiastical Assembly na makipagnegosasyon sa Santo Papa na ipatupad na ang sekularisasyon ng mga paring Pilipino. Nang hindi tanggapin ang kaniyang pakiusap ay lalong ipinaggiitan niya sa mga pahayag niya ang kampanya laban sa mga prayleng Espanyol.
Ang propagandista mula 1899 hanggang 1902 ay nanindigan din sa pagpuna nito laban sa mga Amerikano na kumalaban sa Republika ng Pilipinas. Ang mga puna niya laban sa Amerika ay nalathala sa kaniyang aklat na Independencia y Revolucion at sa mga pahayagang El Defensor de Filipinas at Filipinas Ante Europa na inilathala niya sa Madrid.
Nagbalik siya sa Maynila noong 1901. Inorganisa niya ang Union Obrera Democratica Filipina kung saan siya ang naging unang presidente. Pinasimulan niya ang pagdiriwang ng "Araw ng Paggawa" noong Mayo 1, 1902. Sa nasabing okasyon, ipinalabas niya ang unang pahayagang pangmanggagawa, ang La Redencion de Obrero.
Sa pamumuno niya sa pinakamalaking pag-aaklas ng mga manggagawa ng Fabrica de Tabacos sa Malabon ay nasentensiyahan siyang makulong ng apat na buwan. Saludo ang manggagawang Pilipino sa katapatan nito sa ipinakikipaglabang layunin.
Dalawang ulit na nahalal na konsehal ng Maynila ang propagandista. Ang una ay noong 1912 at ang ikalawa ay noong 1919. Sa talino at paninindigan bilang Pilipino, nahalal siyang senador na kumatawan sa mga lalawigan ng Ilocos mula 1922 hanggang 1928.
Namatay si Isabelo noong Oktubre 10, 1938.
Sa katapatan ni Isabelo de los Reyes sa mga makabayang prinsipyong ipinakipaglaban, mahuhusgahang isang bayani rin siyang dapat na parangalan.