Kung sa maraming pagkakataon ay ipinakipag-sapalaran mo ang buhay mo alang-alang sa ikalalaya ng bayan, ito ay matatawag ding kabayanihan. Ganiyan ang ginawa ni Isidoro Torres noong panahon ng mga Espanyol at Amerikano kaya pinarangalan siya ngayon ng kanyang mga kapwa Pilipino.
Si Isidoro ay ipinanganak sa Malolos, Bulacan noong Abril 10, 1866. Ama niya si Florencio Torres at ina naman niya si Maria Dayao. Tinapos niya ang mga unang leksiyon sa kartilya sa patnubay ni Maestro Jose Reyes. Kumuha rin siya ng gramatiko sa Malolos; ng sekundarya sa Letran at ng Bachelor of Arts sa Unibersidad ng Santo Tomas.
Bata pa lang ay naging panuntunan na ni Isidorong ibigay ang katarungan sa lahat ng tao sa kaniyang kapaligiran.
Inis siya sa sinumang umaagaw ng karapatan at tumatapak sa dangal ng mga mahihirap. Ito ang dahilan kung kaya't napasangkot siya sa isang planong pagpatay sa isang kura parokong di makatarungang nagtaas ng mga singiling pansimbahang higit na nagpahirap sa mga maralitang kababayan.
Sa mga layuning panlipunang ipinakikipaglaban, nakilala at nagustuhan ng mga taga-Malolos si Isidoro. Nahalal siyang Cabeza de Baranggay noong 1890.
Upang lalong mapagsilbihan ang mga kababayan na noon ay inaalipin ng mga Kastila, naging aktibong miyembro siya ng Katipunan at inorganisa niya ang "Sangguniang Lalawigang Balangay Apoy" sa Bulacan.
Nang malantad ang Katipunan, dali-daling nagtago si Isidoro sa Paombong at pailalim na tumulong sa 3,000 tauhan. Naging matagumpay ang pakikipaglaban nina Isidoro sa Bustos, San Miguel at Calumpit noong 1896. Sa mga labanang iyon, kung may mga katipunerong duguan ay higit namang maraming Kastila ang nangamatay.
Nang muling mapalaban at magtagumpay din sa Biak na Bato ay nataas ang ranggo niya bilang Koronel. Sapagkat ipinakita ni Isidoro ang kabayanihan sa maraming labanan, hinirang siyang Brigadier General ni Aguinaldo nang magkaroon ng sonang militar sa Gitnang Luzon.
Si Isidoro na lalong kilala sa tawag na "Matanglawin" ay hinangaan nang mapasuko niya ang mga Kastila sa Macabebe, Pampanga noong 1898.
Nang itatag ang Central Government of Luzon noong 1900 sa ilalim ni Heneral Pantaleon Garcia, si Isidoro ay nanungkulan bilang gobernador ng Bulacan. Sa kaniyang panunungkulan, sinanay niya ang mga tauhan upang maging gerilya at malawakang lumaban sa mga Amerikano.
Bilang isang maginoong sundalo, binigyang diin niya sa mga nakababatang pinuno na napakahalaga ng buhay ninuman kaya dapat lang rebisahin ang mga kaso ng mga bihag ng digmaan at hindi dapat agad-agad na hatulan ng kamatayan.
Nang makamit ng Bulacan ang pangkalahatang kapayapaan at imbitahan siyang ipagpatuloy ang pagiging gobernador dito ay nagpakatanggi-tanggi siya. Nangibang bansa si Isidoro kasama ang maybahay na si Amalia Bernabe. Sa pagbabalik niya ay nanungkulan siya sa San Antonio, Nueva Ecija kung saan hinirang siya bilang Hukom Pangkapayapaan. Nanungkulan din siya bilang delegado ng Philippine Assembly.
Sitenta'y dos anyos lang si Isidoro nang sumakabilang buhay noong Disyembre 5, 1928.
Sa maraming pakikipagdigmaan niya sa mga Kastila at Amerikano, nabingit ang buhay niya sa kamatayan. Hindi lamang Bulacan ang sumasaludo sa kagitingan ni Heneral Isidoro Torres. Ang buong sambayanan man ay nagpapasalamat sa ipinamalas niyang katapangan, kaginoohan at karangalan.