Isang napakahusay na pilotong tinanghal na bayani nang pabagsakin niya ang maraming eruplano ng kaaway noong panahon ng Hapon, si Jesus Villamor ay ipinagkakapuri ng mga Pilipino.
Si Jesus ay ipinanganak sa Abra noong Nobyembre 7, 1914. Bunso siyang anak nina Ignacio Villamor, unang Pilipinong naging presidente ng Unibersidad ng Pilipinas at ni Maria Flores.
Tinapos ni Jesus ang kaniyang edukasyong elementarya at sekundarya sa Abra. Pinasok niya ang kursong "aviation" sa Philippine Aerial Taxi Company. Nang magustuhan ang pagpapalipad ng eruplano ay ipinagpatuloy niya ang pag-aaral sa Aviation School sa Dallas. Gulat ang mga gurong puti sa kahusayan niya sa pag-aaral kaya ipinagkaloob sa kaniya ang parangal na "Eagle Badge of Honor" noong 1934.
Sa pagbabalik sa Pilipinas ay nanilbihan siya sa Philippine Air Corps ng Pamahalaang Komonwelt. Sa talentong ipinakita bilang piloto ipinadala siyang muli ng pamahalaan sa Amerika upang mag-aral naman sa US Air Corps Flying School sa Randolp at Kelly Field. Upang lalong lumawak ang kaalaman, tinapos niya ang graduate studies sa US Air Force Technical School sa Colorado noong 1938. Pagkabalik sa Pilipinas ay nanungkulan siya bilang Direktor ng Philippine Air Corps Flying School.
Nang sumiklab ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, hinirang siyang Koronel at Commanding Officer ng First Pursuit Squadron ng Philippine Army Air Corps.
Naging bukambibig ang pangalan ni Jesus nang walang takot na pamunuan niya ang pagpapabagsak sa mga eruplanong Hapon. Kitang-kita ng maraming Pilipino ang husay at estilo sa pakikipag-dog fight niya sa ere na walang pangambang ipinakipagsapalaran ang buhay sa ikatutubos ng bayan sa pakikipaglaban sa mga kaaway. Kahit na sabihin pang luma na ang labing-anim na eruplanong ipinanlaban, marami ring pinabagsak na kaaway ang sikat na bida ng paliparan.
Bilang sundalong kapanalig ng mga Pilipino at Amerikano, malaki ang naitulong ni Jesus sa pagkakatatag ng maraming pwersa ng gerilya sa Kabisayaan bilang paghahanda sa pagbabalik ni Heneral Douglas McArthur upang palayain ang mga Pilipino.
Matapos ang Panahon ng Hapon ay nagsilbing tagapayo si Jesus ng delegasyong Pilipino sa U.N. Conference sa San Francisco.
Noong 1946 ay naatasan siya ni Pangulong Manuel Roxas na maging Direktor ng Bureau of Aeronautics. Sa layuning makapagsilbi sa anumang ikagagaling ng bansa, tumulong din siyang maitayo ang Manila International Airport na nang magawa ay pinaglingkuran niya bilang Direktor.
Noong 1949, si Jesus ay inanyayahang magtrabaho sa American Aviation Company. Hindi nagtagal ay ipinatawag siya ni Pangulong Quirino upang manungkulan bilang Attache ng Embahada ng Pilipinas sa Washington.
Sa mga gawaing pandigmaan, ipinagkaloob ng Amerika kay Jesus ang Distinguished Flying Cross Award at ang Legion of Merit Citation. Pinarangalan naman siya ng Pilipinas ng Medal of Valor Award at Distinguished Star Citation.
Binawian ng buhay ang "Hari ng Akrobatikong Panghimpapawid" noong Oktubre 28, 1971 sa Georgetown University sa Washington D.C.