Saang lugar ka man dalhin ng iyong mga paa, ang pagmamahal sa bayan at ang pagpapahalaga sa kalayaan ay iyo pa ring maipapakita. Ganyan ang papel na ginampanan ni Jose Basa, isang ipinagkakapuring propagandista.
Si Jose ay ipinanganak noong Disyembre 19, 1839 sa Binondo, Maynila. Anak siya nina Don Matias Basa at Dona Joaquina San Agustin. Pamilya ng mga negosyanteng nagtitinda ng mga lupain ang mga Basa.
Nagtapos siya ng Bachelor of Arts sa Unibersidad ng Santo Tomas. Sa paaralan man o sa komunidad ay kinakitaan na ng pakikisangkot panlipunan si Jose. Ito ay bunga ng mga obserbasyon niya sa kawalang katarungan ng mga Espanyol sa pamamalakad sa pamahalaan.
Ang pagiging makabayan ay ipinakita niya sa pagsali sa sekularisasyon ng mga paring Pilipino. Naniniwala siyang ang mga karapatan ng mga paring Pilipino ay dapat lang ipantay sa mga karapatang tinatamasa ng mga paring Kastila. Nang magkaroon ng "Cavite Insurrection" noong 1872 at bitayin sina Padre Gomez, Burgos at Zamora isa sa mga hinuli si Jose bilang miyembro ng mga repormista. Ipinatapon siya sa Marianas Island. Nang palayain siya matapos ang tatlong taong pagkabilanggo ay nanirahan siya sa Hongkong kasama ng asawang si Bernarda Panlaque at mga anak. Sa sipag at tiyaga, naging matagumpay na negosyante si Jose na hinangaan at iginalang ng mga Ingles at Tsino.
Kahit malayo sa Pilipinas ay naipakita pa rin ni Jose ang pagmamahal niya sa bayan. Ang nasyonalismo sa puso ng negosyante ay pinag-alab niyang muli. Naging modelo siyang Pilipino na handang tumulong sa mga kababayang napapadpad sa Hongkong. Bilang tunay na Pilipino, lagi niyang pinapupunta sa pier ang mga anak upang sunduin ang nababalitaan niyang mga Pilipinong dumarating. Lagi at laging bukas ang tahanan ni Jose sa lahat ng kababayang may ibinabalita tungkol sa ipinakikipaglabang kalayaan.
Ilan sa mga propagandista at rebolusyonaryong dumalaw sa kaniya sina Jose Rizal, Graciano Lopez Jaena, Emilio Aguinaldo at Marcelo H. del Pilar.
Upang mapalawak ang propaganda ng kalayaan ay itinayo ni Jose ang Asociacion Filipino noong 1891. Ang nasabing samahan bagamat nasa Hongkong ay nakadagdag sa pananawagan ng mga propagandista sa nalalapit na pag-aalsa ng mga rebolusyonaryong Pilipino.
Ang mga plano ay malinaw na nabuo. Matapos maorganisa ang pamahalaan sa Biak na Bato ay binuo naman ang Sentrong Komite ng Rebolusyon sa Hongkong.
Itinalaga ni Heneral Aguinaldo si Jose bilang Direktor ng Hustisya noong Setyembre 26, 1898.
Kahit nasa labas ng Pilipinas ay naipamalas ni Jose ang pagmamalasakit niya upang mapalaya ang Pilipinas. Modelo siyang Pilipino na dapat hangaan bilang matapat na propagandista.
Si Jose Basa na nagsikap bumisita sa Pilipinas noong 1888 at 1897 ay naging permanenteng residente ng Hongkong.
Namatay siya noong Hulyo, 1907. Sapagkat pribilehiyo ng mga Pilipino na pahalagahan si Jose Basa kaya naiuwi at nailibing sa mahal niyang bayan ang dakilang propagandista.