Sa pagsuporta sa ipinakikipaglaban ng Katipunan, ang pintor na si Juan Luna ay ipinakulong at nagdusa sa Fort Santiago.
Si Juan na isang henyo sa larangan ng pagpipinta ay isinilang noong Oktubre 24, 1857 sa Badoc, Ilocos Norte. Anak siya nina Don Joaquin Luna at Doña Laureana Novicio.
Sa Ateneo de Manila tinapos niya ang Bachelor of Arts. Sa pagtataglay ng malawakang kaalaman sa karunungang pansining, naengganyo siyang magpaturo ng pagpipinta sa kilalang Kastilang pintor na nagngangalang Agustin Saez. Natural lang na kung marami kang narating na lugar ay higit na malawak ang karanasang maipipinta mo. Ito ang naging panuntunan niya kaya kumuha siya ng nabigasyon, sumakay sa barko at namasyal upang magmasid sa maraming bansa sa Asya.
Nang matantiyang may sapat na karanasan na siya sa mga paglalakbay ay puspusan niyang hinarap ang sining ng pagpipinta. Upang lalong maitaas ang katalinuhan sa bagong pinasok na larangan, nagpatala siya sa Academy of Fine Arts ng pamosong Pilipinong pintor na si Lorenzo Guerrero. Taong 1877 nang magpunta siya sa Espanya upang lalong matutuhan ang pagpipinta. Sa nasabing lugar naging eksperto siya sa mga pandaigdig na pamantayan sa arte. Masayang-masaya si Juan nang isali ng kaniyang gurong si Alejo de Vera ang kaniyang sining na pinamagatang "Daphne at Cleo". Ito ay nagtamo ng Gantimpalang Pilak sa Roma noong 1878.
Upang lalong maitaas ang kalidad ng kaniyang sining, nagpasama siya sa kaniyang guro upang mag-obserba ng mga dakilang sining ng mga sikat na pintor ng iba't ibang museo sa Europa.
Alam na alam ni Juang ang paglahok sa mga pandaigdigang timpalak ay pagsuntok sa buwan. Subalit para sa Pilipinong pintor, ang paglaban sa pinakamahuhusay na pintor ng daigdig ay isang natatanging karanasan.
Para kay Juan, ang kadakilaang ipinakikita ng mga rebolusyonaryo sa nilayuang bayan ay maaari niyang tumbasan ng kadakilaang pakikipaglaban sa larangan naman ng pandaigdigang pagpipinta ng isang libo at isang karanasan. Sa paninindigang ito, inilaban ng pintor ang kaniyang "Death of Cleopatra" na tinanghal na Pangalawang Gantimpalang Pandaigdig. Ipinagbunyi ng mga Pilipino sa Europa ang kahusayan ni Juan. Ipinagmalaki nila ang pagiging Pilipino ng sikat na pintor.
Nang punahin ng ilang Europeo ang pagiging Indio ni Juan ay ipinagtanggol siya ni Jose Rizal na pinagpantingan ng tenga. Binigyang diin ng Dakilang Nobelista na ang pagiging henyo ay walang kinaaanibang bansa at sinumang may dakilang kahusayan ay maihahalintulad daw sa liwanag na nababanaagan at hanging nalalanghap sa kawalan.
At sapagkat ang puntong ipinakikipaglaban ni Jose Rizal ay punto ng mga propagandista na naglalayong magpahalaga sa mga karapatang pantao ng mga Pilipino bilang mga Asyano at mamamayan ng daigdig, lalong pinagbuti ni Juan ang kaniyang sining.
Alam ni Juang nagmamasid ang buong daigdig sa maiaambag niya sa pagpipinta. Upang lalong mahandugan ng kadakilaan ang Pilipinas, pinangatawanan ni Juang makipagtunggali sa pinakamahuhusay na pintor ng daigdig. Noong 1884 ay ipinagkaloob ang Unang Gantimpala sa kanyang Spoliarium. Taong 1885 naman nang pagbotohan ng mga hurado upang magkamit ng Medalyong Ginto ang kaniyang El Pacto de Sangre. Ang parangal na Pinakamahusay ay iginawad din sa kaniyang Battie of Lepanto noong 1888.
Nang bumisita si Juan sa Pilipinas ay inaresto siya ng Pamahalaang Espanya sa bintang na pagpaplano ng isang rebolusyon. Pinagdusahan niya ito sa bilangguan mula Setiyembre, 1896 hanggang Mayo, 1897. Matapos palayain ay nagdesisyon siyang magbalik sa Europa. Sa pagnanais na aktuwal na makatulong sa ipinakikipaglaban ng mga rebolusyonaryo, inisip niyang ang laban ay nasa loob at wala sa labas ng inaapi niyang bayan. Hindi niya nagawa ang plano nang sumabog ang Digmaang Pilipino-Amerikano. Upang makapaglingkod sa bayan, tinanggap niya ang pagtatalaga sa kaniya ni Pangulong Aguinaldo na maging kinatawang pandiplomatiko sa Pransiya.
Nagplano siyang muling umuwi sa Pilipinas upang makilahok sa pagtatanggol sa kaniyang bansang sinilangan. Nang lumapag siya sa Hongkong ay sinamang palad siyang atakihin sa puso. Disyembre 7, 1899 nang bawian siya ng buhay. Sa Simenteryo Katoliko ng Hongkong inilibing ang pintor.
Sa pagbibigay pahalaga ni Juan Luna sa Pilipinas bilang natatanging bansa ng mga henyo ay nabigyan niya ng inspirasyon ang mga kababayan upang ipaglaban ang karapatan ng mga Pilipinong patas na tumindig kaninuman, lalung-lalo na sa mga mapang-aping dayuhan.