Ang lihim na pakikipagtulungan ni Manuel Arguilla sa mga gerilya ang nagdala sa kaniya sa kamatayan at kabayanihan.
Si Manuel ay isinilang sa Bauang, La Union noong Hunyo 17, 1911. Anak siya ni Crisanto Arguilla, magsasaka at ni Margarita Estabillo, manggagawa ng palayok.
Una siyang tinuruan sa cartilla ng gurong si Alfredo Buan. Tinapos niya ang elementarya sa Bauang at ang sekundarya sa San Fernando. Sa hayskul ay kinakitaan siya ng talino at husay sa pagsusulat. Naging editor-in-chief siya ng La Union Tab at pinarangalan bilang salutatorian. Atletiko at sosyal ang dating ni Manuel. Kampeon siya sa languyan at sa pagsasayaw ng tango kaya hinahangaan ng mga kamag-aral.
Sa angking talino, nakapasok siya sa Unibersidad ng Pilipinas. Naging kasapi siya ng sikat na UP Writers Club at naging editor ng tinitingalang UP Literary Apprentice. Sa pagnanais na magabayan ang kabataang pag-asa ng bayan, tinapos niya ang kursong Edukasyon noong 1933 at pinakasalan ang matagal na ring nililigawang kapwa kamanunulat na si Lydia Villanueva.
Nagturo si Manuel sa Unibersidad ng Maynila. Sa araw-araw na pakikisalamuha sa mga estudyante ay maraming kaasalang naituro ang guro. Dumating ang oras na napag-isip-isip niyang higit na malawak ang mararating kung pagsusulat ang haharapin kaya pinangatawanan niyang maging Managing Editor ng "Welfare Advocate" ng Bureau of Public Welfare at sumulat nang sumulat ng mga simpleng kwento ng mga simpleng tao sa kanayunan at kalunsuran.
Nang dumating ang mga Hapon ay naiba ang pananaw ni Manuel. Nakita niya ang hirap na dinaranas ng mga kababayan sa kamay ng mga kaaway. Lumaki siyang simpleng buhay ang nakikita sa simpleng komunidad na kinalakihan. Hindi niya masikmura ang kapangitang dala-dala ng karahasan.
Upang makatulong sa ikalalaya ng Pilipinas, naging lihim na pinuno siya ng Porch, dibisyong pang-impormasyon ng Marking's guerilla unit.
Sa kasamaang palad ay natiktikan si Manuel ng mga Hapon kaya inaresto siya noong Pebrero, 1944. Kasama ang ina at mga kamag-anak ay ipinakulong siya sa Fort Santiago. Bagama't pinakawalan ang mga mahal sa buhay ay iniharap sa hindi makatarungang paglilitis ang manunulat. Matapos pagtiisan ang pang-aalipin ng mga kaaway ay muli siyang ipinadala sa Fort Santiago upang harapin ang kamatayan.
Inialay ni Manuel ang buhay upang maging inspirasyon ng mga Pilipinong kailangang lalong maging matapang sa mga oras na inaagaw sa kanila ang kalayaan. Ang katanyagan ni Manuel ay hindi lamang sa pagkakasulat niya ng humigit kumulang na 50 dakilang kwento na nagpapatunay na siya ay isang alagad ng sining sa literatura. Hindi rin sa dahilang pinarangalan siya bilang "Republic Cultural Heritage Awardee."
Ang kadakilaan ng manunulat ay pinatunayan niya nang ibigay niya ang buhay sa oras ng kagipitang pandigmaan. Isang tunay na bayani si Manuel Arguilla.
Dapat lang siyang ikarangal.