Sa layuning mapalaya ang mga bihag na Pilipinong ikinulong ng mga Hapon sa loob ng Unibersidad ng Santo Tomas, isinakripisyo ni Manuel Colayco ang buhay alang-alang sa ngalan ng kabayanihan.
Si Manuel ay ipinanganak sa Lungsod ng Pasay noong Mayo 29, 1906. Siya ang panganay sa walong anak nina Rufo Colayco at Petrona Carlos.
Sapagkat parehong guro ang mga magulang kaya nagabayan siyang magpahalaga sa edukasyon. Tinapos niya ang elementarya sa Mababang Paaralan ng Mabini, ang sekundarya sa Mataas na Paaralan ng Ateneo at Bachelor of Arts sa Ateneo de Manila.
Ang husay sa sining ng talumpatian ay naipakita ni Manuel nang tanghalin siyang pinakamahusay na orador. Sa kolehiyo, naipamalas niya ang talento sa pagsusulat nang manungkulan siya bilang Editor ng diyaryong "Guidon" at ng yearbook na "Aegis" sa Ateneo de Manila.
Upang makatulong sa mga kapatid, ang marangal na bukasyong pagtuturo na nakita sa mga magulang ay pinasok ni Manuel noong 1930. Naging propesor siya ng agham panlipunan sa UST, Assumption at St. Theresa's.
Walang sinayang na oras si Manuel. Kung nagtuturo sa umaga ay nag-aaral naman siya ng abugasya sa hapon. Sa sariling determinasyon, natapos niya ang Bachelor of Laws sa UST noong 1934. Sapagkat nasa tamang gulang upang magpamilya, minarapat niyang pakasalan ang kasama niyang gurong si Clemencia Joven noong 1935.
Balik trabaho si Manuel. Pumasok siya bilang manunulat at editor ng seksiyong Ingles ng La Defensa. Sa kahusayan niya sa pagsusulat ay napili siyang editor ng Philippine Commonwealth.
Ang pagiging aral sa mga paaralang Katoliko at ang pamamalagi niyang aktibong propesor sa unibersidad na Katoliko ang naging dahilan upang mapili siyang punong delegado sa International Eucharistic Congress na ginanap sa Budapest. Ang galing niya sa komunikasyong pasalita ang nagbigay susi upang mapili siyang tagapagsalita sa Woodstock College at sa Notre Dame University.
Nang sumabog ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig ay nagpatala si Manuel bilang sundalo ng Philippine Army. Ipinakita ni Manuel ang kaniyang tapang nang pumayag siyang maging bahagi ng nangungunang depensa ng mga sundalong Pilipino sa Bataan. Naipamalas niya ang kagitingan nang harapan silang nakipagsagupaan sa mga Hapon sa Tuol noong Pebrero 25, 1942.
Nang bumagsak ang Bataan, isa si Manuel sa maraming sundalong nakaranas ng di-makatarungang parusa ng mga Hapon. Salamat na lamang at pinalaya siya ng mga kaaway.
Isang masamang panaginip ang karanasan ni Manuel sa Bataan kaya lalong nag-umalab ang pagmamahal niya sa bayan.
Kung nanaisin niyang matahimik ang buhay ay umuwi na lang sana sa pamilya niya si Manuel pero hindi niya ito ginawa. Sa halip, hinanap niya ang mga kaibigan at alalay at itinayo niya ang Allied Intelligence Bureau. Nagpalabas din siya ng lihim na pahayagang Freedom na nagbibigay inspirasyon sa mga Pilipino upang lumaban sa mga mapang-aping kaaway.
Nang dumating ang Liberation of Manila, ang iba't ibang gusali ng UST sa Espanya ay punung-puno ng mga bihag na Ingles at Amerikano na pawang payat na payat na sa sakit at naghihintay na lang ng kamatayan. Ang lumusob sa nasabing mga kulungan ay lubhang mapanganib. Para kay Manuel, isinuong na niya ang buhay sa maraming pagkakataon kaya hindi siya natatakot na makipagsapalaran. Pinangunahan niya ang mga kawal sa masalimuot na pagpasok sa mismong unibersidad subalit nang sasalakay na ay hinagisan siya ng granada na dumurog sa kaniyang katawan.
Namatay si Manuel Colayco noong Pebrero 10, 1945 na isang matapat na bayaning nag-alay ng talino, pagmamahal at buhay sa ikalalaya ng Pilipinas.
Isa siyang dakilang Pilipinong dapat na ikarangal!