Panulat ang naging sandata ni Marcelo del Pilar upang makatulong sa ikalalaya ng Pilipinas noong panahon ng Kastila.
Ipinanganak siya sa Bulacan, Bulacan noong Agosto 30, 1850. Ama niya si Juan Hilario del Pilar, tatlong ulit na naging gobernadorcillo, at ina naman niya si Blasa Gatmaytan.
Mayaman ang pamilya del Pilar kaya natustusan ang pag-aaral ni Marcelo. Tinapos niya ang Bachelor of Arts sa Colegio de San Jose. Ang nasabing kurso ay itinuloy niya sa Bachelor of Laws sa Unibersidad ng Santo Tomas. Nang magtatapos na sa abugasya ay sinamang palad na masuspinde si Marcelo at mabilanggo ng 30 araw nang makipagtalo siya sa Kura ng San Miguel tungkol sa pagtataas ng bayad sa pagbibinyag.
Ang galit niya sa pamahalaang Kastila at sa mga prayleng Espanyol ay nadagdagan nang mapagbintangang kasangkot sa Cavite Mutiny ang kapatid niyang si Padre Toribio del Pilar.
Ang karahasang tinanggap ng magkapatid ay dinamdam at ikinamatay ng ina ni Marcelo.
Nang makabalik sa UST ay tinapos niya ang abugasya na may itinatagong galit. Upang makapaghiganti ay matapang siyang nagbibigay ng mga kritisismo laban sa pamahalaan at simbahan sa kaniyang mga talumpati sa mga kapistahan, binyagan at pati na sa mga sabungan.
Noong 1882 ay isa siya sa nagtatag ng Diariong Tagalog na unang pahayagang nalimbag sa dalawang wika. Dito isinulat niya ang maraming propaganda laban sa mga kaaway.
Nang pangunahan niya ang maraming demonstrasyong humihingi ng pagpapatalsik sa mga prayleng Kastila ay pinaghanap siya ng mga awtoridad. Ito ang naging dahilan upang lumabas siya sa Pilipinas. Bago umalis ay itinatag niya ang Junta de Programa na nagpapalawak sa pandaigdigang propaganda.
Espanya ang pinuntahan ni Marcelo. Namalagi siya sa Madrid kung saan pinalitan niya si Graciano Lopez Jaena bilang editor ng La Solidaridad.
Upang hindi matunton ninuman, ilan sa mga tagong pangalang ginamit ni Marcelo ang mga sumusunod: Plaridel, Siling Labuyo at Dolores Manapat.
Ilan sa mga nakapagpababa ng tingin sa pamahalaang Espanya at sa mga prayleng Espanyol ay mga akda ni Marcelo sa Tagalog at Espanyol. Kabilang dito ang La Soberania Monacal en Filipinas, Kaiingat Kayo, Dasalan at Toksohan, Pasiong Dapat Ipag-alab ng Puso ng Taong Babasa, Sagot ng Espanya sa Hibik ng Pilipinas at Kadakilaan ng Diyos.
Nagkahirap-hirap si Marcelo sa pagpapalimbag ng La Solidaridad. Sa patung-patong na gawain sa opisina ay laging napupuyat ang manunulat. Malaking suliranin sa kanya na walang tulong pinansiyal na dumarating mula sa Pilipinas. May panahong hindi siya kumakain. May panahong hindi siya natutulog. Upang makalimutan ang gutom, may pagkakataong namumulot na siya ng nahitit na sigarilyo sa mga kalye.
Namatay si Marcelo sa sakit na tuberkulosis sa Barcelona noong Hulyo 4, 1896.
Piping saksi ang La Solidaridad sa matapat at dakilang pagmamahal sa bayan ni Marcelo Hilario del Pilar.