Pinakahuling heneral na sumuko sa mga Amerikano si Miguel Malvar.
Ang matapang na bayani ay ipinanganak noong Septiyembre 27, 1865. Sina Maximo Malvar at Tiburcia Carpio ang mga magulang niya.
Si Miguel ay unang nag-aral sa pribadong eskwelahan ni Padre Valerio Malabanan. Sapagkat maagang nahiligan ang pagnenegosyo, ang malawak niyang lupaing malapit sa Bundok Makiling ay ginawa niyang manukan at babuyan. Naging inspirasyon niya ang kaniyang asawang si Paula Maloles na anak ng isang capitan municipal.
Iginagalang na lider si Miguel kaya nahalal siyang gobernadorcillo noong 1892.
Sa sobrang pang-aapi ng mga Kastila ay nagdesisyong sumapi si Miguel sa Katipunan. Pinamunuan niya ang pakikipaglaban sa Talisay, Batangas. Nang kulungin ang matandang Malvar sa isang walang basehang krimen ay pilit itong pinakawalan ng anak na Katipunero. Nang maulinigang pinaghahanap ng mga Kastila, napilitang lumikas sa Cavite si Miguel. Sa nasabing lalawigan isinabak ni Heneral Emilio Aguinaldo ang Batangueno upang mamuno sa mga tunggalian sa Zapote, Indang, Bailen, Magallanes at Alfonso. Sa bawat labanan, napansin ng lahat ang kagitingan ni Miguel. Sa husay niyang humawak ng mga tauhan at sumunod sa mga ipinag-uutos ni Pangulong Aguinaldo, naging Commanding General siya ng Batangas, Mindoro at Tayabas.
Nang nagsimula ang Digmaang Filipino-Amerikano, nahirang siyang Brigadier General. Kung gaano siya katapang na lumaban sa mga Kastila ay ganoon din siya kagiting na nakitunggali sa mga Amerikano. Pinatunayan niya ito sa pamumuno niya sa mga labanan sa Muntinglupa, San Pedro, Tunasan, Calamba at Cabuyao.
Matapos madakip ng mga Amerikano si Aguinaldo sa Palanan, Pangasinan noong Marso 23, 1901, si Miguel Malvar ang naging Commander-in-Chief ng mga militar na Pilipino.
Nanawagan si Heneral Aguinaldo na isuko na ng mga heneral ang kani-kanilang tauhan bilang pagtanggap sa kapayapaang inihaharap ng mga Amerikano. Sa panawagan, sumuko si Heneral Tinio ng Nueva Ecija noong Mayo 8, 1901; si Heneral Tomas Mascardo ng Cavite noong Mayo 15, 1901; si Heneral Cailles ng Laguna noong Hunyo, 1901.
Sa sobrang hirap na dinanas ng kaniyang pamilya at ng mga tauhan niya ay inihinto ni Miguel ang pakikidigma at sumuko kay Heneral Franklin Bell noong Abril, 1902.
Bilang paghanga sa katapangan niya, hindi ipinakulong o ipinatapon si Miguel. Binigyan siya ng pagkakataong magbalik sa asawa niya at mga anak. Ibinigay sa kaniya ang panungkulan bilang Gobernador ng Batangas pero hindi niya ito tinanggap.
Kwarenta'y sais lamang nang mamatay si Miguel sa Maynila noong Oktubre 13, 1911. Nagkaroon siya ng komplikasyon sa atay. Isang libing na may parangal militar ang inihandog sa labi ng magiting na heneral.
Ipinanganak sa maliit na bayan ng San Miguel sa Santo Tomas, Batangas si Heneral Miguel Malvar. Dito rin siya inihatid ng mga kababayan sa huli niyang hantungan.