Sa mapanganib na pakikisangkot niya sa pagtatayo ng Katipunan hindi lamang ibiningit kung hindi inialay pa ni Teodoro Plata ang kaniyang buhay alang-alang sa kalayaan.
Si Teodoro ay ipinanganak sa Tondo, Maynila noong 1866. Ama niya si Numeriano Plata at ina niya si Juana de Jesus.
Tinapos niya ang mga unang pundasyon ng pag-aaral sa Escuela Municipal at naitalang nag-aral din siya kahit di nagtapos ng abugasya. Sa Binondo una siyang namasukan bilang oficial de mesa.
Kasama si Andres Bonifacio at si Ladislao Diwa, itinatag nila ang Katipunan noong Hulyo 7, 1892. Totoong malaking suliranin para kay Ladislao ang kawalang katarungang dinadanas ng mga Pilipino sa mga pamamalakad ng mga Kastila.
Sa pakikipagtalakayan ng mga isyung pulitikal, lalong nag-iinit ang makabayang damdamin ni Teodoro. Ito ang dahilan upang makaisip siya ng kaparaanan upang mapagsama-sama ang mga saloobin ng kaniyang mga kababayan. Ang nasabing lihim na samahan ay naglalayong maglunsad ng isang armadong paglaban sa mga Kastila upang makamit ang kalayaan.
Mula sa unang Triyanggulong Bonifacio, Diwa at Plata ay isinama ni Bonifacio sina Restituto Javier at Vicente Molina sa ikalawang triyanggulo. Inimbitahan ni Diwa si Roman Basa at Teodoro Gonzales sa ika-tatlo at inanyayahan naman ni Plata sina Valentin Diaz at Briccio Pantas para sa ika-apat. Ang mga triyanggulo ay dumami nang dumami at ang mga kasapi ng Katipunan ay lumawak nang lumawak.
Nang unang buuin ang Supremong Konseho matapos itatag ang Katipunan, nahalal si Teodoro bilang kalihim at si Deodato Arellano bilang pangulo. Noong 1893, nahalal namang tagapayo si Teodoro at pangulo naman si Roman Basa.
Sapagkat maagang nabalo si Teodoro, ang malungkutin niyang puso ay naghanap ng maiibig. Minahal niya at niligawan si Espiridiona Bonifacio na kapatid ng Supremo. Kahit walang kapag-a-pag-asa sa panliligaw, naidaing nito sa Supremo ang kaniyang layunin sa kapatid. Bilang tulong, inilakad ng Supremo ang kaibigan sa kapatid. Ipinaliwanag ng Supremo sa kapatid na higit na makabubuting kay Teodoro na ito magpakasal alang-alang sa pagsulong ng itinatag nilang Katipunan. Matapos ang ilang buwan ay pinakasalan ni Teodoro si Espiridiona.
Taong 1894 nang tanggapin ni Teodoro ang pagiging escribano sa Court of First Instance sa Mindoro. Sa nasabing lalawigan marami rin siyang hinimok na sumapi sa Katipunan. Sa dahilang may kalayuan ang Mindoro sa Maynila, hindi na sumama si Teodoro sa paghahalalan ng Konseho noong 1895.
Noong kalagitnaan ng taong 1896 ay ipinatawag ng Supremo ang bayaw niyang si Teodoro. Nagkaroon noon ng reorganisasyon ang Katipunan. Sa nabanggit na pulong, tinalakay ang pag-aalsa ng Katipunan laban sa mga Kastila. Nang makamit ng Supremo ang liderato ay hinirang niya si Teodoro bilang kalihim ng digmaan.
Matapos madiskubre ang Katipunan ay lumipat ang pulungan ng mga rebolusyonaryo. Mula sa Tondo ay nagtungo sila sa Kalookan. Sa isang mahalagang pulong sa Kalookan, pinagdiinan ng Supremong dapat nang manindigang lumaban ang mga Katipunero.
Kahit na bayaw ni Teodoro ang Supremo at inatasan siya nitong maging Pangkalahatang Heneral ng Rebolusyon, malalim siyang nag-isip. Para kay Teodoro, isang kabayanihan nga ang mag-alsa laban sa mga Kastila subalit hindi siya naniniwalang kailangang umpisahan na ang pakikidigma sa lalong madaling panahon.
Para kay Teodoro, kailangang maghintay-hintay pa nang kaunting panahon. Ayon sa kanya, kailangan pang mangalap ng maraming salapi upang makabili ng sapat na sandatang pandigmaan. Ang pananaw ni Teodoro ay natalo ng mga pumanig sa Supremo.
Sa dahilang ang tinig ng Supremo ay dapat na igalang, nagbalik si Teodoro sa Mindoro upang ipagbili ang mga ari-arian upang may maidaragdag sa pakikidigma ng kanilang samahan. Sapagkat nabunyag na nga ang Katipunan, pinaghahanap siya ng mga awtoridad at nang mahuli ay ipinakulong sa Fort Santiago. May nagsasabing binaril siya sa Bagumbayan noong Disyembre 31, 1896.
Maaaring hindi napasama sa mga pisikal na pakikipagdigmaan sa mga Kastila si Teodoro subalit ang paglalagay niya ng sarili sa bingit ng kamatayan maitindig lang at mapalawak ang Katipunan ay kabayanihang matatawag. Ang pag-aalay niya ng buhay nang barilin siya sa Bagumbayan ay dangal na hindi matatawaran.
Kung walang Bonifacio, Diwa at Plata. hindi nangyaring maitatatag ang Katipunan. Ang unang triyanggulong nagpasimula sa samahang pandigmaan ay kalakip na ng kasaysayan.
Si Teodoro Plata ay dapat lang saluduhin at tawaging pundasyon ng kalayaan!