Juana de Arco ng Visayas ang bansag kay Teresa Magbanua.
Siya ay isinilang sa Pototan, Iloilo noong Oktubre 13, 1868.
Parang lalaki ang kilos ni Isa o Teresa. Sa pagkabata, marami ang nakakapansing mas maraming panahong nakikipaglaro siya sa kalalakihan kaysa kababaihan. Lagi at laging bumubuntot siya sa kaniyang mga kuya kapag nakikipag-away na ang mga ito sa kalapit bayan. Mahilig na mahilig siyang umakyat sa puno, lumangoy sa ilog at mangabayo sa kagubatan. Ang napakaaktibong galaw ni Teresa ay hindi aprubado ng mga magulang niya. Upang maging pino sa gawi ay pinag-aral si Isa sa Kolehiyo de San Jose sa Jaro.
Kahit pinapag-aral ng mga pantahanang sining ay wala pa ring pagbabago sa katauhan ni Isa. Nagdesisyon ang mga magulang niya na ipadala siya sa Maynila. Nag-aral siya sa Colegio de Santa Rosa noong 1885 at sa Colegio de Santa Catalina noong 1886. Ang pormal na kurso ng pagmamaestra ay tinapos niya sa Colegio de Dona Cecilia noong 1894.
Isang ganap na guro si Isa nang magbalik sa Pototan.
Tatlong taon ding nagturo ang bagong maestra sa kanilang bayan. Takot kay Isa ang mga naging estudyante niya. Mahusay dumisiplina sa mga bata si Teresa. Sapagkat maayos ang galaw sa loob ng mga klase niya, maraming estudyante ang natututo sa pagpasok sa paaralan.
Hindi akalain ng marami na mag-aasawa rin si Teresa. Sapagkat masigasig manligaw ang isang mabait na binatang nagngangalang Alejandro Balderas ay nagpakasal ang matapang na dalaga. Iniwan ni Isa ang pagtuturo nang itira siya ng asawa sa isang malawak na hacienda. Hindi lang pangangabayo ang libangan niya. Hinarap din niya ang pamamaril na maaari raw magamit sa oras ng pangangailangan. Ayaw na ayaw ng asawa ni Isang umasta siyang matapang at lumalaban. Hindi napapigil si Teresa. Sa sobrang katapangan, sumapi si Teresa bilang rebolusyonarya sa pamumuno ni Heneral Perfecto Poblador na tiyuhin niya. Kahit na babae, iginawad sa kaniya ang pagiging Komandante ng hilagang sona ng Iloilo.
Sa kagitingan ni Teresa ay tinawag siyang "Nay Isa" ng mga sundalong pinamunuan niya. Kinilala si Teresa sa pamumuno niya sa tunggalian sa Barrio Yating, sa tunggalian sa Sap-ong Hills at sa tunggalian sa Balintang Tacos-Jibao.
Kinalas niya ang mga tauhan nang mapagwagian ng mga dayuhan ang Panay.
Balo at walang naging anak, minabuti ni Isay na ipagbili ang mga ari-arian sa Iloilo at makipamuhay sa kapatid niyang si Maria na nasa Zamboanga del Sur.
Namatay si Teresa Magbanua noong Agosto, 1947 sa edad na 78.
Isang tunay na bayani ang Juana de Arco ng Kabisayaan.