Kilala sa tawag na Ina ng Biak na Bato si Trinidad Tecson.
Ipinanganak siya sa San Miguel, Bulacan noong Nobyembre 18, 1848. Isa siya sa labing-anim na anak nina Rafael Tecson at Monica Perez.
Natutuhan niya ang sining ng pagbasa at pagsulat mula sa kaniyang guro na nagngangalang Senor Quintino.
Di tulad ng ibang dalagita na bihasa sa pananahi at pagbuburda, si Trining o Idad ay tuwang-tuwang nagpaturo ng sining ng eskrima.
Para kay Idad, dapat matutuhan ng kalalakihan at kababaihan ang paghawak sa iba't ibang uri ng sandata. Ayon sa kaniya, magagamit ang sandata sa oras ng kagipitan upang ipagtanggol ang sariling karapatan.
Bata pa ay kinakitaan na ng tapang si Trining. Isang gabing may nangahas na pumanhik sa kanilang tahanan ay patakbo niya itong initak. Duguang bumaba ng bintana ang pangahas at kakawag-kawag na sumisigaw na hindi na raw siya uulit sa katampalasanan.
May isang alperes naman na nang ayawan ni Idad sa panliligaw ay nakaisip manggulo. Pinapunta ng nabigo ang mga tauhan. Pilit nilang hinanapan si Idad ng mga puslit na tabako. Sa galit ng dalaga ay iwinasiwas nito ang matalim na itak at itinaboy ang mga bastos. Matapang si Trinidad sa lahat ng pagkakataon. Wala siyang pinangingimian. Lagi at lagi niyang binibigyang diin na walang sinumang mang-aalipin kung walang magpapaalipin.
Marami ang nag-akalang hindi na mag-aasawa pa si Trinidad. Ang tila lalaking mga gawi nito ay ikinatatakot ng maraming gusto sanang manligaw. Pero may isang mapangahas na nagtagumpay. Disinwebe anyos nang magpakasal si Trinidad. Malungkot isiping dalawang anak niya na pinangalanan niyang Sinforoso at Desiderio ang kapwa namatay.
Kwarenta'y syete anyos na si Trinidad nang sumali sa Katipunan. Bihasa na siya sa mga nasyonalismong ipinakikipaglaban ng samahan sapagkat isa siyang mason. Kakaiba talaga si Idad. Siya lamang ang katipunerang pumayag na ipirma ang sariling dugo sa dokumento ng panunumpa.
Walang bakas ng pangamba sa mga kilos ni Trining bilang katipunera. Ito ang dahilan kaya siya isinasama sa aktuwal na labanang kung saan ang buhay niya ay nabibingit sa kamatayan.
Noong panahon ng rebolusyon, lumaban si Idad sa pamumuno ni Heneral Francisco Makabulos sa mga tunggalian sa Zaragoza at San Antonio, Nueva Ecija. Nagpakita rin siya ng tapang sa pamumuno ni Heneral Isidoro Torres sa tunggalian sa San Rafael, Bulacan. Nakipagtagisan din siya nang bala sa bala sa pamumuno ni Heneral Mariano Llanera sa mga tunggalian sa San Miguel, Kupang, Biak na Bato at San Idelfonso sa Bulacan, gayon din naman sa Cabanatuan, Nueva Ecija.
Sa isa sa mga pakikipaglaban ay nabaril sa hita si Trining kaya kaagad inilikas sa Biak na Bato na punong kwartel ng mga rebolusyonaryo. Nang gumaling ang sugat ay nakipagdigmaan na naman ang walang takot na katipunera.
Kapag hindi nakikipaglaban ay nasa pagaalaga siya ng mga kasamahang nasugatan. Upang masapatan ang bilang ng mga nag-aalaga sa mga sugatan, sinikap niyang manghikayat ng mga Pilipinong maaaring tumulong sa mga kaawa-awang kawal na may karamdaman.
Ang digmaan ay nakapagpaalala kay Trining sa pagpapakasakit ng maraming katipunero at katipunerang nakibahagi sa ikalalaya ng bansa.
Sa mga labanan, inialay ni Trinidad Tecson ang kaniyang tapang alang-alang sa bayan.
Ochenta anyos nang mamatay si Trinidad Tecson noong Enero 28, 1928.