Bilang lider ng mga sundalong Pilipino, naniniwala si Heneral Vicente Lukban na ang pagsuko sa mga kaaway ay isang kahiya-hiyang kaduwagan.
Ang matapang na rebolusyonaryo ay ipinanganak noong Pebrero 11, 1860. Isa siya sa anim na anak nina Don Agustin Lukban at Dona Andrea Rillos ng Labo, Camarines Norte. Nag-aral siya sa Escuela Pia Publica, sa Ateneo at sa Letran.
Naglingkod siya bilang Oficial Criminalista sa Quiapo. Nang magbalik si Vicente sa Camarines Norte ay nanungkulan siya bilang Juez de la Paz.
Bilang mason, itinayo niya ang Logia Bicolano sa kaniyang lalawigan. Bilang magsasaka at negosyante, itinindig niya ang La Cooperativa Popular ng Governador Heneral. Sapagkat tinitingala siya ng masang Pilipino inakala ng mga Espanyol na makukuha niya ang simpatiya ng mga pobreng magsasaka kaya pinaaresto kaagad siya noong 1896 at pinalaya lamang kasama ng iba pang bilanggong pulitikal noong 1897. Noon lalong naliwanagan si Vicente sa kawalang katarungan ng pamahalaang Espanya. Bilang pag-aalsa, naglingkod siya bilang tagapayo ni Heneral Aguinaldo. Sumama siya dito bilang exile sa Hongkong mula Disyembre, 1897 hanggang Hulyo, 1898. Sa pagbabalik sa Pilipinas ay itinalaga siya bilang Koronel ng mga rebolusyonaryo sa mga lalawigan ng Camarines at Catanduanes.
Sa sistematikong pag-oorganisa sa mga rebolusyonaryong napailalim sa kanya, ginawa siyang Heneral sa Samar at Leyte.
Naging matapang na lider gerilya si Vicente sa digmaang Pilipino-Amerikano sa Samar. Nakasulat sa kasaysayan ang mga panalo niya sa Catbalogan, Catubig at Catarman.
Sa hirap na dinanas ng mga puti sa kamay ni Vicente ay naghandog ng pabuyang limang libong piso ang mga kaaway madakip lamang ang pinuno. Nang sumuko ang isang hepeng Pilipino sa Masbate ay lalong pinag-alab ni Vicente ang mga sundalo upang matapang na lumaban. Pinalakas niya ang organisasyong militar sa Leyte kahit sumuko na sa mga puti si Ambrocio Mojica.
Para kay Vicente, ang pagsuko ay dapat iwasan kung maiiwasan. Para kay Vicente, ang matitibay lamang ang dapat na mabuhay.
Sa katapangang ipinakita ni Vicente sa mga oras ng pakikidigma, inirekomenda siya bilang tagapamahalang pangkalahatan sa Bisaya at Mindanao.
Nang madiskubre ni Captain Jackson ang kinaroroonan ni Vicente sa Catarman ay nagkasagupaan ang dalawang pinuno. Kahit nasugatan ang Pilipino ay inagad nitong makatakas upang hindi mahuli ng mga kaaway. Sa kasamaang palad ay nasukol siya ni Lieutenant Strebler noong Pebrero 19, 1902. Ipinabilanggo siya sa Isla de Talim sa Laguna de Bay.
Nang pakawalan siya ng mga Amerikano at unti-unting nagkahugis ang lipunang Pilipino ay pumasok siya sa pulitika. Nagsilbi siyang Gobernador ng Tayabas mula 1912 hanggang 1915. Pamuli siyang nanalo sa kaniyang puwesto noong 1916 subalit nagkakasakit siya at sumakabilang buhay noong Nobyembre 16, 1916.
Ang katapangan sa paglaban, katapatan sa panunungkulan at karangalan sa oras ng digmaan at kapayapaan ay kalakip ng katauhan ni Vicente Lukban. Maituturing siyang totoong bayani ng alinmang kapanahunan.