Pinili ni Wenceslao Vinzons ang mamatay na nagmamahal sa bayan kaysa yumuko sa mga Hapon at ipagbili ang karangalan.
Si Wenceslao na naging Gobernador at tinitingalang lider ng mga gerilya sa Bicol ay isinilang noong Septyembre 28, 1910 sa Camarines Norte. Matalino siyang anak nina Gabino Vinzons at Engracia Quinito. Naging masigasig na estudyante si Wenceslao mula pagkabata. Tinapos niya ang elementarya sa maliit na bayan ng Indan at naging valedictorian siya ng Camarines Norte High School.
Ang buhay sa kamaynilaan ay totoong pakikipagsapalaran. Ipinakita ni Wenceslao ang talino niya nang makapasok siya sa Unibersidad ng Pilipinas. Inihalal siya dito bilang presidente ng Student Council at tinanghal na Editor-in-Chief ng Philippine Collegian. Tinapos niya sa nasabing unibersidad ang Bachelor of Laws.
Noong 1933 ay pumangatlo siya sa bar examination. Ang kagalang-galang na katauhan at ang tayog ng kaisipan ay naging puhunan niya upang maging delegado siya sa Constitutional Convention noong 1934. Sa gulang na 23, nahalal siya bilang namumukod tanging kabataan sa larangan ng pulitika.
Ang pagiging pulitiko at tagapaglingkod sa bayan ay nagkakaugnay. Kapag nagtagumpay ka sa pulitika ay higit na malawak ang maitutulong mo sa mga tao. Ito ang naging panuntunan ni Wenceslao kaya batang-bata pa lang ay tumulong na siyang sumuporta sa mga lider kandidato ng bansa. Sa labanang Aguinaldo bersus Quezon bilang pangulo, masigasig niyang ikinampanya si Aguinaldo. Sa init ng kabataan ni Wenceslao, may mga pagkakataong nadadarang siya sa sining ng pagtatalumpati kaya nahahabla sa libelo at sedisyon. Sa sistematikong pagpapaliwanag niya sa hukom ay lagi at lagi siyang naaabswelto.
Ang katapatang maglingkod sa bayan ang naghatid sa kaniya upang mahalal na Gobernador ng Camarines Norte noong 1940.
Nang dumating ang mga Hapon noong 1941 ay nanawagan si Wenceslao sa mga boluntaryong nais sumama sa grupo ng mga gerilyang itinatag niya. Naniniwala siyang kailangan ang sariling sikap upang labanan ang mga mandirigmang kaaway ng bayan. Bilang isang tunay na lider, gusto niyang pangalagaan ang mga kababayan na nasasakupan sa mga oras ng kagipitan. Ipinag-utos ng Gobernador sa lahat ng may nakaimbak na palay at mais na mamahagi ng mga produkto sa bawat pamilyang nangangailangan nito. Pinagbawalan niya ang mayayamang mangangalakal na huwag magtamasa ng sobrang tubo sa anumang bagay na ipinagbibili nila. Ang mga may karamdaman naman para sa kaniya ay dapat lang kaagad malunasan ng libreng gamot at instrumentong pangmedisina lalo na sa panahon ng giyera. Para kay Wenceslao, kung sa panahon ng kapayapaan ay tumutulong ang gubyerno, lalo itong dapat mamuno sa pag-abot ng kamay sa oras na dinidigma ang mga tao. Sa panahon ng labanan, pinagbuklud-buklod ng Gobernador ang mga damdamin ng mga kababayan niya. Pinagsama-sama niya ang mga puso ng mga gerilya. Maraming kaaway na napatay ang mga tauhan ng abugado. Napalawak niya sa buong kabikulan ang mga tagasunod niya. Sa pakikipagtulungan sa iba pang pinuno ng karatig lalawigan ay nakatikim si Wenceslao ng maraming tagumpay sa digmaan. Isa rito ang pagsalakay niya sa mga kulungang panlalawigan ng Camarines Norte, Camarines Sur at Sorsogon kung saan pinakawalan niya ang maraming Pilipino at Amerikanong nabihag dito.
Ang pasaning krus ay dumating kay Wenceslao nang ituro siya ng isang Makapiling nagngangalang Villaluz bilang lider ng mga gerilya. Sa sobrang galit ng mga Hapon ay pinarusahan ang Gobernador. Tinakot siya ng mga kaaway na papatayin daw kung hindi ibibigay ang listahan ng mga kasamang gerilya na nagsisipagtago sa mga liblib na pook. Inalok ng mga Hapon ang Gobernador na bibiyayaan ng maraming handog itaguyod lang nito ang "Co-Prosperity Sphere" na itinitindig ng mga singkit. Bigo ang mga Hapon sapagkat nanindigan ang makabayang nagmamahal sa pagka-Pilipino ng mga Pilipino. Sa sobrang galit ni Major Tsuneoka Noburo ay binayoneta ng Hapon ang Gobernador na ikinasawi nito.
Ang katapangan ni Wenceslao Vinzons sa panahon ng kapayapaan at digmaan ay kabayanihang dapat hangaan ng sambayan. Sa panahon ng digmaan, kinalimutan niya ang sariling kapakanan maitindig lamang ang minimithi nating kalayaan. Iyan ang totoong kadakilaan.